Kasaysayan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si Herodotus ang itinuturing na "Ama ng Kasaysayan."

Kasaysáyan[1] o histórya[2] ang sistematikong pag-aaral at pagdodokumento sa nakaraan. Madalas tumutukoy ito sa nakaraan matapos ang pag-imbento sa pagsulat; ang panahon bago ang puntong ito ay tinatawag naman na prehistorya. Para malaman ng mga historyador ang mga kaganapan sa nakaraan, naghahanap sila at pinag-aaralan ang mga mapagkukunang nila ng impormasyon, tulad ng mga nakasulat na dokumento, pasalitang paglalarawan, sining, at materyal na artipakto, gayundin ang mga iniwang bakas sa kalikasan.[3] Dahil patuloy na gumagalaw ang oras, hindi makukumpleto ang kasaysayan, at hindi kailanman makukuha ng mga historyador anf kumpletong larawan patungkol sa isang pangyayari nang walang kiling.

Isang larangan ang kasaysayan na gumagamit ng naratibo upang mailarawan, maipaliwanag, kwestyunin, at suriin ang mga pangyayari sa nakaraan, pati na rin ang pag-imbestiga sa kahalagahan at ang sanhi at bunga ng naturang pangyayari sa isang lugar o sa mundo. Pinagdedebatehan ng mga historyador ang kalikasan ng kasaysayan, at ang silbi nito sa paghugis sa mga problema sa kasalukuyan.[4]

Madalas ginugrupo bilang mga pamanang kultural ang mga kuwentong karaniwan sa isang kultura, tulad halimbawa ng mga kuwentong-bayan kagaya ng kay Haring Arturo sa Britanya at ang kuwento ng Sampung Datu ng Borneo sa Pilipinas.[5] Iba ang kasaysayan mula sa mito dahil sa pagkakaroon nito ng mga ebidensiyang mapapatunayan. Malawak ang modernong pag-aaral ng kasaysayan, mula sa malalawak na paksa tulad ng kasaysayan ng sangkatauhan hanggang sa mga napakatiyak tulad ng kasaysayan ng isang lungsod. Bahagi ito ngayon ng kurikulum ng maraming mga bansa sa mundo, at tinuturo bilang asignatura sa mababa at mataas na edukasyon, gayundin bilang isang kursong inaalok ng mga pamantasan.

Si Herodotus ang kinokonsiderang "Ama ng Kasaysayan" dahil siya ang itinuturing na unang historyador ng Kanluraning Mundo.[6] Kinekredit siya pati na rin ang kontemporaryo niyang si Thucydides bilang mga nagpasimula sa kasaysayan bilang isang lehitimong pag-aaral sa Europa. Samantala, sa Silanganing Mundo, nakasulat sa Mga Tala ng Tagsibol at Taglagas ang opisyal na 241 taong kasaysayan ng Estado ng Lu (ngayo'y bahagi ng Tsina), bagamat maliit na bahagi na lang nito ang nananatili sa kasalukuyan.

Etimolohiya

History ("Kasaysayan") ni Frederick Dielman (1896)

Galing sa "sanaysay" ("kuwento") ang salitang "kasaysayan," na nagmula naman sa salitang "saysay" ("pahayag").[1] Ang pagkakaroon ng panlaping kabilaan na "ka-...-an" sa salita ang nagpapahiwatig na isa itong pangngalang maramihan, sa kahulugang "koleksyon ng mga kuwento." Samantala, galing naman sa wikang Kastila ang salitang "historya".[2] Nagmula naman ito sa sinaunang wikang Griyego na historía (Sinaunang Griyego: ἱστορία, romanisado: historíā, lit. 'paliwanag').[7] Sa ganitong pananaw isinulat ni Aristoteles ang kanyang akdang Kasaysayan ng mga Hayop.[8] Ang ninunong salita nito, ἵστωρ, ay makikita sa mga himno ni Homer, kay Heraklito, sa panunumpa ng mga ephebos ng Atenas, at sa mga kasulatang sa rehiyon ng Boeotia; ginamit ito sa pananaw na "manghusga." Hiniram ang salitang ito sa wikang Latin bilang historia ("imbestigasyon", "paliwanag", o "naratibo"), na kalaunan ay hiniram din ng mga wikang Romanse katulad ng wikang Kastila, Pranses, at Ingles. Nagmula sa wikang Anglo-Norman ang salitang Ingles na history, kung saan una itong lumabas sa Gitnang Ingles sa pananaw na "kuwento"; ang modernong salitang Ingles na story ay nagmula rin sa salitang ito.[9] Ang modernong kahulugan ng history ay nagmula sa Renasimiyento, kung saan ginamit ni Francis Bacon ang kahulugan nito sa wikang Griyego upang ilarawan ang likas na kasaysayan.[9]

Prehistorya

Ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna.
Ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna ay ang pinakamatandang rekord na nakasulat sa Pilipinas. Tinatayang ginawa ito noong 900 KP.

Ginagamit ang punto ng pagkaimbento sa pagsulat bilang ang simula ng kasaysayan ng isang lugar. Ito ay dahil kinakailangan ng pisikal na ebidensiya ang kasaysayan, at hindi ito matutupad nang walang rekord na nakasulat, tulad halimbawa ng mga hiroglipiko sa sinaunang Ehipto. Ang panahon bago ito ay tinatawag na prehistorya (lit. na 'bago ang kasaysayan'). Hindi pantay-pantay kung kailan nagsimula ang kasaysayan at nagtapos ang prehistorya, dahil sa iba't ibang punto ng panahon naimbento ang pagsulat sa iba't ibang kabihasnan. Bukod dito, ginagamit rin ang salitang prehistorya upang tukuin ang panahon bago ang unang beripikadong rekord na nakasulat. Halimbawa, ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna ay tinatayang nagawa noong 900 KP.[10] kaya naman ito ang ginagamit na batayan sa hangganan ng kasaysayan ng Pilipinas at ang prehistorya nito. Mas maagang nagsimula ang kasaysayan sa ibang lugar, lalo na sa mga lambak-ilog ng Tigris-Euphrates, Indus, at Yangtze, kung saan may mga nakasulat na'ng rekord simula pa noong 5000 BKP.

Historyograpiya

Mga retaso ng ika-2 siglong papiro ng Ang Kasaysayan ni Herodotus.
Mga retaso ng ika-2 siglong papirong kopya ng Ang Kasaysayan ni Herodotus.

Historyograpiya ang tawag sa pag-aaral sa mga paraan na ginagamit ng mga historyador sa pagsusuri sa kasaysayan. Maaari rin itong tumukoy sa koleksyon ng mga magkakatulad na gawa patungkol sa isang paksa. Kadalasang patungkol ito sa paksa; halimbawa, ang historiograpiya ng Pilipinas at ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maaari rin itong patungkol sa isang bahagi ng pag-aaral sa kasaysayan, tulad halimbawa ng kasaysayang pampulitika at kasaysayang panlipunan. Simula noong ika-19 na siglo, ang pag-aaral sa historyograpiya ay binigyang-pansin, bagamat may mga iilang panitikang nagawa bago ito. Pinakasikat sa mga ito ang Ang Kasaysayan ni Herodotus at Mga Tala ng Dakilang Historyador o Shiji, na ginawa ni Sima Qian. Noong ika-20 siglo, nagsimula namang isama ng mga historyador ang pananaw na panlipunan sa kanilang mga historyograpiya, tulad ng politika, ekonomiya, at kultura.[11]

Pagkiling (bias)

Sa karamihan ng mga bansa, ang mga pangkasaysayang teksbuk ay ginagamit ng instreumento upang buhayin ang nasyonalismo at patriotismo.

Sa karamihan din ng mga bansa, ang mga pangkasaysayang teksbuk ay iniisponsor ng pambansang pamahalaan at isinusulat nang nakasensor at kadalasa'y ipinakikita lámang ang mga kabutihang inambag ng bansa nito sa kasaysayan. Halimbawa, sa bansang Hapón, hindi binabanggit ang Masaker sa Nanking sa mga teksbuk at ang buong Ikalawang Digmaang Pandaigdigis ay pahapyaw lang na itinuturo. Naging polisiya rin sa mga bansang komunista na ipresenta lámang ang rigid na Marxist historiography.[68][69] Sa ika-21 siglong Alemanya, ang kurikulum ng kasaysayan ay kinokontrol ng labing-anim na estado, at mailalarawang "almost pacifistic and deliberately unpatriotic undertone" at sumasalamin sa "principles formulated by international organizations such as UNESCO or the Council of Europe, thus oriented towards human rights, democracy and peace." at hindi ng superpatriotism. Ang resulta ay "German textbooks usually downplay national pride and ambitions and aim to develop an understanding of citizenship centered on democracy, progress, human rights, peace, tolerance and Europeanness."

Tingnan din

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 "kasaysayan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 13 Abril 2024.
  2. 2.0 2.1 "historya - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 13 Abril 2024.
  3. Arnold, John H. (2000). History: A Very Short Introduction [Kasaysayan: Isang Maikling Pagpapakilala] (sa Ingles). New York: Oxford University Press. ISBN 019285352X.
  4. Richard J. Evans (2001). "The Two Faces of E.H. Carr" [en]. History in Focus (sa Ang Dalawang Mukha ni E. H. Carr). University of London. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Agosto 2011. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: unrecognized language (link)
  5. Lowenthal, David (2000). "Dilemmas and Delights of Learning History" [Mga Dilema at Kasiyahan sa Pagkatuto sa Kasaysayan]. In Peter N. Stearns; Peters Seixas; Sam Wineburg (mga pat.). Knowing Teaching and Learning History, National and International Perspectives [Pag-intindi, Pagturo, at Pagtuto sa Kasaysayan, Pambansa at Pandaigdigang Perspektibo] (sa Ingles). New York & London: New York University Press. p. 63. ISBN 978-0814781418.
  6. Halsall, Paul. "Herodotus". Internet History Sourcebooks Project (sa Ingles). Fordham University. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Nobyembre 2020. Nakuha noong 13 Abril 2024.
  7. Joseph, Brian; Janda, Richard, mga pat. (2008) [2004]. The Handbook of Historical Linguistics [Handbook ng Lingguwistikang Pangkasaysayan] (sa Ingles). Blackwell Publishing. p. 163. ISBN 978-1405127479.
  8. Ferrater-Mora, José (1994). Diccionario de Filosofia [Diksiyonaryo ng Pilosopiya] (sa Kastila). Barcelona: Editorial Ariel.
  9. 9.0 9.1 "history, n.". OED Online (sa Ingles). Oxford University Press. 9 Marso 2015.
  10. Postma, Antoon (1992). "The Laguna Copper-Plate Inscription: Text and Commentary" [Ang Inskripsyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna: Teksto at Komentaryo]. Philippine Studies (sa Ingles). Pamantasan ng Ateneo de Manila. 40 (2): 182–203. JSTOR 42633308.
  11. Georg G. Iggers. Historiography in the Twentieth Century: From Scientific Objectivity to the Postmodern Challenge [Historyograpiya sa Ikadalawampung Siglo: Mula Maagham na Kawalang-kilingan papunta sa Hamon ng Posmodernismo] (sa Ingles). p. 1-4. ISBN 978-0819567666.

Link sa labas